Pulis vs Adik todas pareho
MANILA, Philippines - Isang pulis ang binaril at napatay ng pinasusukong drug addict gamit ang baril ng una habang napatay din ito ng mga kasamahan kahapon ng umaga sa Taguig City.
Ang nasawing pulis ay kinilalang si PO3 Antonio Reyes, nakatalaga sa Sector 6 ng Taguig City Police Station na nagtamo ng tama ng bala sa ulo mula sa inagaw na baril ng suspek na si Gene Valdez, 27 na napatay naman ng mga kasamahan ni Reyes.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, bago naganap ang krimen dakong alas-7:00 ng umaga sa may Frisco Road, Brgy. Ibayo Tipas, ng lungsod ay humingi ng responde ang mga residente sa pulisya dahil sa pagwawala ng suspek na sinasabing dayo lamang sa kanilang lugar.
Dito ay agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar na kung saan ay nilapitan ni Reyes ang suspek na armado ng tubo at pinakiusapang kumalma.
Ngunit nagtangka umanong manlaban ang suspek kung kaya’t pinaputukan ni Reyes ang suspek na nadaplisan sa ulo.
Sa pag-aakalang walang malay ay nilapitan ni Reyes ang suspek subalit bumangon ito at mabilis na hinampas ng tubo sa ulo si Reyes at bumagsak.
Hindi naman agad nakakilos ang mga kasamahan ni Reyes makaraang maagaw ng suspek ang baril nito at barilin sa ulo ang pulis.
Dito na gumanti ng putok ang mga kasamahang pulis ni Reyes at binistay ng bala ang suspek na hinihinalang lango sa iligal na droga.
Naisugod pa sa Rizal Medical Center si Reyes ngunit nalagutan rin ng hininga.
- Latest