MANILA, Philippines - Mistulang pinagpalit ng isang 62-anyos na negosyanteng Tsinoy ang kanyang buhay sa mga dalang alahas nang ayaw niyang ibigay sa mga holdaper kaya’t siya ay pinagbabaril naganap kahapon ng umaga sa Sta. Mesa, Maynila.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa Lourdes Hospital dahil sa 5 tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Leonardo Chua, ng Junction 4 Balzain-Pengue Ruyu, Tuguegarao City, Cagayan at pansamantalang nanunuluyan sa isang kamag-anak sa Aliw-iw St., Sta Mesa, Maynila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang pamamaril sa biktima dakong alas 7:15 ng umaga sa Aliw-iw St. ng nasabing lugar ay nakaparadang bukas ang pintuan ng kulay pulang Nissan Patrol (BCT 678) ng biktima nasa loob at hinihintay ang kanyang driver.
Ilang sandali ay dumating ang isang motorsiklo na kinalululanan ng dalawang lalaki.
Dito ay bumaba ang nakaangkas at lumapit sa biktima at nagdeklara ng holdap.
Tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng P90,000 kaya ito ay binaril.
Tumakas ang mga suspek sa isang kulay pula at kumbinasyong itim na motorsiklo.