Katiwala, pinabulagta

MANILA, Philippines - Bumulagta at agad na nasawi ang isang katiwala makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek ha­bang ang biktima ay naka­tayo sa harap ng isang res­taurant sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Godofredo Agudo, 58, may-asawa ng 1-B-503 Asco Village, Malaria, Caloocan City.

Ang insidente ay naga­nap sa harap ng Dory’s res­taurant na matatagpuan sa Lot 10 Phase III, Jordan Plain Subd., Commonwealth Avenue, Brgy. Pasong Putik, ganap na alas-9:30 ng gabi.

Ayon kay Carlos Gregor Wong, habang nasa loob siya ng restaurant, para isara ang pintuan sa likuran nito ay nakarinig siya ng malakas na putok ng baril mula sa labas.

Tiningnan ni Wong ang pinagmulan ng putok hanggang sa makita niya ang biktima na nakahandusay at duguan ang katawan at nakita rin umano niya ang isang lalaki na tumatakbo papalayo sa nasabing lugar. Agad na ipinagbigay alam ni Wong  sa mga awtoridad ang kanyang nakita na ngayon ay nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng Quezon City police.

 

Show comments