MANILA, Philippines - Natupok sa sunog ang isang 6-anyos na batang lalaki na may sakit sa pag-iisip na ikinadena ng amain matapos masunog ang kanilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Ang nasawi ay kinilalang si Angelo Satur, residente ng Fatima Compound, Barangay Zapote ng lungsod.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago naganap ang sunog dakong alas-12:00 ng madaling-araw ay kinadena umano ng amain na si Bernardo Ocome ang biktima sa loob ng kuwarto nito, dahil may sakit sa pag-iisip.
Habang mahimbing na natutulog ang mag-anak, ay biglang sumiklab ang malakas na apoy at tinupok ang buong kabahayan. Hindi na nakuhang mailigtas pa ang bata.
Nabatid sa mga kapitbahay, naririnig nila na humihingi ng tulong ang bata habang nag-aapoy ang bahay.
Tinangka namang tumakas ng ina ng bata na si Analou Satur at amain nitong si Ocome, pero hinabol sila ng mga tanod at inaresto at ibinigay sa pulisya na kung saan ay nahaharap ang mga ito sa kasong parricide at murder.
Ayon sa nakababatang kapatid ng biktima na pinalo umano ng kanilang amain ang kanyang kuya dahil sa pakikipag-away kung kaya’t kinadena ito sa kuwarto.
Sinabi naman ng ilang kapitbahay na kinakadena ang biktima dahil sa madalas na pagwawala nito.