MANILA, Philippines - Kaya umano ng mga telecommunications companies tulad ng Smart, Globe at iba pa na ma-refund ang sobrang singil nito na 20 sentimos sa kada P1 text ng kanilang mga customers na gumagamit ng prepaid at postpaid, simula noong Disyembre 1, 2011 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) Director Edgardo Cabarrios, para sa mga prepaid subscribers ay ipapasok lang ang refund sa numero ng mga customer, habang iti-trace naman ang pangalan ng mga postpaid subscribers para maipasok sa kanilang account ang refund.
“Sa mga prepaid subscribers po kasi hindi po identified ‘yung mga may-ari ng prepaid, iki-credit po sa numero, sa sim card ‘yung sobrang singil. Pero ‘yung sa postpaid po kasi kilala ‘yung may-ari, madali pong i-refund ‘yun.”dagdag ni Cabarrios.
Binanggit din nito na ang pagsosoli ng sobrang 20 centavos na singil kada text ay hindi dapat maapektuhan ang unlimited services ng telcos.
Una nang ipinag-utos ng NTC ang refund ng telcos sa kanilang mga costumer matapos umanong hindi sumunod ang mga ito pagbaba ng interconnection charges simula noong isang taon.
Kaya ay aabutin na lamang sa 80 sentimos ang halaga ng kada text.