MANILA, Philippines - Lasog ang katawan at natanggal pa ang ulo ng isang ginang matapos itong magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-27 palapag ng isang gusali kahapon ng umaga sa Pasig City.
Ang biktima ay nakilalang si Josephine Maranan, 45, may-asawa, dating empleyada ng Groiler Scholastic/RBE Distributor at residente ng #821 Negros St., Sampaloc, Maynila.
Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang pagpapakamatay ng biktima bandang alas-9:25 ng umaga ay umakyat ito sa roof deck ng Prestige Tower na matatagpuan sa Garnet Road, Barangay San Antonio, Ortigas ng lungsod.
Ayon sa isang opisyal ng barangay na si Melvin Villaruz, na nakita ito ng sekyu na umakyat sa roof deck ng nasabing gusali at namaybay pa umano ito sa kongkretong harang na wala sa sarili at problemado.
Pinakiusapan ito na huwag ituloy ang pagpapakamatay, subalit hindi ito pinakinggan ng biktima at biglang tumalon.
Pagbagsak sa sementadong kalsada ng biktima ay natanggal ang kanyang ulo at nagkalasug-lasog ang katawan at hindi na makilala.
Narekober ng mga otoridad sa biktima ang isang kulay brown na bag na may lamang P3,000 at visitor’s ID.