Dalagita Ni-Rape/Slay Ng Pinsan

MANILA, Philippines - Isang 14-anyos na da­lagita ang walang awang hinalay at pag­katapos ay pinatay ng sariling pinsan na sumundo sa kanya sa bahay para dumalo sa isang despedida ng tiyuhin naganap sa Victorias City, Negros Occidental.

Ang biktima ay kinilalang si Renia Joy Guasa na ang bangkay ay natag­puan sa isang palayan sa Brgy. 10 ng nasabing lungsod may 300 metro ang layo mula sa kanilang bahay.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang  nanlaban matapos magkapunit-punit ang damit pang-itaas at wala ng saplot sa ibabang bahagi.

Naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang suspek na si Joshua Espartero, 22-anyos ng Brgy. San Pablo, Manapla, Negros Occidental.

Lumalabas sa imbes­tigasyon na bago nangyari ang krimen ay sinundo ng suspek ang bikti­ma sa kanilang bahay noong  gabi ng Martes para dumalo umano sa despedida ng tiyuhin ni Espartero na tutungo na sa Mindanao.

Makalipas ang ilang oras ay humahangos na bumalik ang suspek sa kanyang bahay at nag-iimpake ng mga damit at sinabi sa mga kasambahay na aksidenteng napatay ang pinsan.

Kinabukasan ng umaga ay nadiskubre ang bangkay ng dalagita sa palayan, kaya’t sa teorya ng  mga otoridad na ang krimen ay naganap sa pagitan ng alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi kung saan hindi umano kasama ng suspek sa kanilang lugar ang dalagita ng bu­malik ito sa bahay.

Ang suspek na naka­kulong ngayon ay kinasu­han ng homicide with rape.

 

Show comments