MANILA, Philippines - Nakatakdang paimbestigahan ng pamunuan ng Bureau of Customs ang mga importer na nagpasok sa bansa ng mga produktong Korean noodles na umano ay may sangkap na toxic chemicals.
Ito ang naging hakbangin ni Customs Commissioner Ruffy Biazon matapos ideklara ng Food and Drugs Administration at ng FDA’s Korean counterpart na ang anim na produktong Korean noodles ay mayroong sangkap na kemikal na benzopyrene na nakakasama sa baga, apdo at nakaka-skin cancer.
Ang mga ito ay ang Spicy Neoguri, Mild Neoguri, Neoguri Cup Noodles, Saewootang Cup Noodles at Seng Seng Udong na pina-recall na sa mga merkado.
Inatasan noong Martes ni Biazon si BoC Assessment Operation and Coordinating Group deputy commissioner Prudencio Reyes Jr., na magbigay sa kanya ng mga listahan ng mga pangalan ng mga importer na nagpapasok sa Pilipinas ng mga Korean noodles products.
Mahigpit na rin nitong pinababantayan sa kanyang mga tauhan ang mga pantalan upang matigil na ang pagpasok ng naturang mga produkto.