MANILA, Philippines - Matapos umanong bayaran ang P1.3 milyon ransom sa mga kidnaper ay pinalaya na ang kinidnap na si Salug, Zamboanga del Norte Mayor Jeffrey Lim na halos 7 buwang binihag.
Sa ulat ni Captain Alberto Caber, Spokesman ng Army’s 1st Infantry Division (ID) bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang makauwi na sa kanilang tahanan sa Poblacion, Salug ang biktima na sinundo ng emisaryo ni dating Mayor Hadjarun Jamiri ng Tuburan sa kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa kagubatan ng Basilan.
Sinasabing nagbayad ng halagang ransom ang pamilya ng alkalde kapalit ng kalayaan nito pero hindi ito makumpirma ng mga opisyal ng militar.
Magugunita na noong Abril 2 ng taong ito ay kinidnap ng sampung mga armadong kalalakihan na nakasuot ng camouflage uniform ng special forces ng pulisya ang alkalde habang kumakain sa terminal ng bus sa kanilang bayan.