MANILA, Philippines - Natitiyak na ang pagbabalik sa political arena ni dating Rizal Governor Casimiro Yñares Jr. dahil itinuturing na wala siyang kalaban matapos iendorso ng mga partido pulitikal sa lalawigan bilang common candidate sa pagka-gobernador.
Bukod sa pagbabalik ni Yñares Jr., inaasahang magiging mainit ang labanan bilang alkalde sa 13 bayan ng Rizal at sa Antipolo City na tiyak na mamatyagang mabuti ng mga botante.
Naniniwala sina dating DILG secretary Ronaldo Puno at dating Rizal Gov. Reynaldo San Juan na hindi kayang talunin si Yñares Jr. kahit na mapeperang karibal lalo’t kinikilala ito bilang arkitekto ng kaunlaran ng Rizal.
Si Yñares Jr. at ang kanyang 2013 slate ay kinuhang common candidates ng mga major political party sa Rizal gaya ng Liberal Party, Nacionalista Party, PDP-Laban, Laban ng Demokratikong Pilipino at Partido ng Masang Pilipino.
Ilan sa mga itinuturing na walang kalaban ay sina congressional candidates Reps. Joel Roy Duavit (1st district) at Isidro Rodriguez Jr. (2nd district) na kaalyado ni Yñares Jr.