MANILA, Philippines - Nakatakdang magsampa ng reklamo ang isang babaeng motorista laban sa driver ng National Historical Commission of the Philippines na gumitgit sa kanilang sasakyan at sa halip na humingi ng paumanhin ay pinagmumura pa sila ng kanyang driver kahapon sa kahabaan ng Quirino Avenue-Taft Avenue, Maynila.
Ayon sa biktima na nagpatago sa pangalang Gerlie, ng Maynila na dapat ay kastiguhin ni NHCP Chairman Ma. Serena I. Diokno ang hindi kilalang driver nila na nagmamaneho ng kulay silver Toyota Grandia, model 2006 na may numerong plaka SHJ-620.
Sa salaysay ni Gerlie, naganap ang insidente dakong alas-11:00 sa kahabaan ng Quirino Avenue-Taft Avenue, Maynila habang minamaneho ng kanyang driver ang Mitsubishi Montero, na hindi na pinabanggit ang plaka.
Habang papatawid ng Taft Avenue ay bigla silang ginitgit ng driver ng nasabing sasakyan at sa halip na humingi ng paumanhin ay walang sabi-sabi silang pinagmumura at pinagbantaan pa.
Nang beripikahin ang nasabing plaka ay doon nila nalaman na naka-isyu sa tanggapan ng NHCP, na matatagpuan sa National Library Building, T.M. Kalaw, Maynila.