MANILA, Philippines - Napatay sa isang shootout ang apat na umano’y mga carjackers matapos maka-engkwentro ang mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Dalawa sa apat na suspek ay kinilalang sina Ricardo Orbina at Arnel Canque, pawang nasa hustong gulang at tumatayo umanong mga lider ng grupo.
Batay sa natanggap na ulat ni Muntinlupa City chief of police, Senior Supt. Conrad Capa, na bago naganap ang shootout dakong ala-1:30 ng madaling araw sa Don Pedro St., Victoria Homes, Barangay Tunasan ay nagsagawa ng frame up operation ang mga otoridad laban sa mga suspek habang ibebenta ang isang Toyota Vios na isang ‘hot car’ sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nabatid na ang nasabing kotse ay pag-aari ng isang call center agent na ninakaw ng mga ito noong nakaraang linggo sa España Boulevard, Maynila.
Dito ay nakatunog ang mga suspek na sila ay minamanmanan ng mga pulis kung kaya’t mabilis na pinasibat ang kanilang kotse.
Hinabol ng mga pulis ang mga suspek, subalit pinaputukan umano ng mga ito ang una.
Gumanti ng putok ang mga pulis kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Narekober sa sasakyan ng mga suspek ang type-B police uniforms, pekeng military IDs at ilang high-powered firearms.
Napag-alaman din na ang plakang ZCN-566, na nakakabit sa sasakyang Toyota Vios ay nakarehistro sa isang Toyota Hilux.