Tamayo, Changwon kampeon uli sa KBL

MANILA, Philippines — Kampeon ulit ang Filipino import na si Carl Tamayo matapos gabayan ang Changwon LG Sakers sa 62-58 panalo sa Game 7 ng 2025 Korean Basketball League (KBL) kontra sa Seoul SK Knights kamakalawa sa Jamsil Students’ Gymnasium sa Seoul.
Humakot si Tamayo ng 12 puntos at 10 rebounds sahog pa ang 2 assists at 2 steals para makaiwas ang Changwon sa pambihirang semplang matapos malustay ang 3-0 kartada sa best-of-seven titular showdown.
Tumaob ang Changwon, No. 2 seed sa elims, kontra sa No. 1 na Seoul sa Games 4, 5 at 6, subalit naisalba ang Game 7 sa tulong ni Tamayo na umukit ng kasaysayan para sa Philippine basketball.
Pambato ng Gilas Pilipinas si Tamayo na ngayon ay katangi-tanging Pinoy player na nagwagi ng titulo sa Japan at sa Korea.
Matatandaang bago lumipat sa Korea ay nanalo din si Tamayo sa Japan B.League para sa kanyang debut professional season sa Ryukyu Golden Kings.
Dahil sa kanyang KBL championship, nakumpleto ni Tamayo ang perpektong season matapos ding mapasali sa Mythical Team ng KBL sa likod ng rehistrong 15.1 points sa 31-percent clip mula sa tres sahog pa ang 5.8 rebounds at 2.3 assists.
Swak din sa Mythical Team ang kakampi niyang si Assem Marei ng Egypt, na trinangkuhan sa 34-20 kartada sa elims ang Changwon, kasama sina Jameel Warney, Kim Sun-hyung at An Young-Jun ng Seoul.
Sa Game 7, bumida para sa Changwon si Kim Jae-hyeon na kumamada ng 12 puntos at 3 steals kabilang na ang 4 na krusyal sa free throws upang maselyuhan ang panalo at hiranging Finals MVP.
- Latest