Akari naka-podium ulit

MANILA, Philippines — Inangkin ng Akari ang ikalawang sunod na medalya sa 2024-25 season ng Premier Volleyball League (PVL) matapos walisin ang Choco Mucho, 25-15, 26-24, 26-24, sa Game Three para kunin ang bronze ng All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Isinara ng Chargers ang kanilang best-of-three series ng Flying Titans sa 2-1.
Nauna nang nakuntento ang tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa silver medal kasama si American import Oly Okaro sa nakaraang PVL Reinforced Conference na pinagreynahan ng Creamline tampok si Erica Staunton.
Humataw si Eli Soyud ng 18 points mula sa 15 attacks at tatlong blocks para banderahan ang Akari na nakahugot kina Ced Domingo at Ivy Lacsina ng 13 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Sobrang grateful kasi lahat ng pagod namin nag-paid off na, sa lahat ng hirap and sacrifices ng team, ng coaches, ng management and the players siyempre,” sabi ni Soyud.
“Iisa lang iyong goal namin. Lahat nagtiwala, lahat nagpagod, lahat nagsakripisyo and iyong jelling and iyong connection ng isa’t isa nandoon na,” dagdag ng-29-anyos na opposite hitter. “Iyong ang pinaka-thankful ako sa conference na ito na kahit sobrang haba kumapit kami.”
Pinamunuan ni Sisi Rondina ang Choco Mucho sa kanyang 14 points kasunod ang siyam na marka ni Royse Tubino.
Matapos ilista ng Chargers, nakakuha kay setter Mich Cobb ng 20 excellent sets habang may 18 digs at 17 receptions si Grethcel Soltones, ang 2-0 abante sa laro ay itinayo nila ang 8-3 bentahe sa third frame.
Sa likod nina Rondina at Tubino ay nakatabla ang Flying Titans sa 24-24 para sa extended set.
Ngunit umiskor sina Soyud at Lacsina ng dalawang puntos para sa panalo ng Akari na natalo sa Choco Mucho sa Game Two.
- Latest