CSB pinigil ng Mapua
MANILA, Philippines — Sinilat ni Alyana Nicole Ong ng Mapua University ang defending champion College of Saint Benilde, 25-20, 11-25, 27-25, 25-21 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament 1st round eliminations na nilaro sa UPHSD Gym, kahapon.
Bumira si Ong ng 14 points mula sa 12 attacks at dalawang blocks upang mapaganda ang karta ng Lady Cardinals sa 6-2 at puwestuhan ang No. 4 spot sa team standings.
Ipinaramdam ng Intramuros-based squad ang kanilang lakas ng sikwatin ang panalo sa unang set bagama’t sumadsad sa second set ay gumapang sila sa set 3 upang makalamang at mamuro sa pagtalbos sa Lady Blazers.
Sinayang ng Lady Blazers ang kanilang tsansang manalo sa set three nang makalamang sila ng dalawang puntos, 24-22 pero naging mabalasik ang Lady Cardinals at naitakas nila ang mahirap na panalo.
Nalasap naman ng Lady Blazers ang pangalawang talo sa siyam na laro para mahulog sa No. 2 spot hawak ang 7-2 kartada.
- Latest