Green, Rockets pinalubog ang Suns
HOUSTON — Bumanat si Fil-Am guard Jalen Green ng 29 points para banderahan ang Rockets sa 111-104 pagpapalubog sa Phoenix Suns sa laro kung saan napatalsik ang nagrambulang sina Steven Adams at Mason Plumlee.
Nagdagdag si Alperen Sengun ng 20 points at may 19 markers si Dillon Brooks para sa four-game winning run ng Houston (41-25).
Umiskor si Bradley Beal ng 25 points kasunod ang tig-19 markers nina Devin Booker at Kevin Durant sa panig ng Phoenix (30-26).
Ang isang 9-2 atake ng Rockets ang nagbigay sa kanila ng 99-84 bentahe sa huling pitong minuto ng fourth period matapos makalapit ang Suns sa 82-90.
Sinibak sa laro sina Adams ng Houston at Plumlee ng Phoenix bago ang halftime dahil sa kanilang rambulan.
Sa Boston, bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 34 points sa 118-112 pagsapaw ng Oklahoma City Thunder (54-12) sa nagdedepensang Celtics (47-19) at angkinin ang playoff berth.
Sa Denver, naglista si Anthony Edwards ng 29 points habang may 25 markers si Julius Randle sa 115-95 pagkagat ng Minnesota Timberwolves (38-29) sa Nuggets (42-24).
Sa Miami, nagsalpak si Bogdan Bogdanovic ng season-high 30 points at kumolekta si Ivica Zubac ng 26 points at 14 rebounds sa 119-104 paglunod ng Los Angeles Clippers (36-30) sa Heat (29-36).
- Latest