SMB reresbak sa eastern

Ipaparada ng San Miguel si Jabari Narcis laban sa Eastern Hong Kong
STAR/ File

MANILA, Philippines — Matamis na higanti ang pakay ng San Miguel kontra sa Hong Kong sa rematch nila para mapalawig ang winning streak sa 2024 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.

Nakakasa ang duwelo sa alas-7:30 ng gabi para sa main game ng double-header weekend bago ang Christmas Game sa Miyerkules habang magpapangbuno naman ang winless na Terrafirma at Rain or Shine sa alas-5 ng hapon.

Lumasap ng 69-58 talo ang SMB  kontra sa Eastern sa homecourt nito sa S­outhorn Stadium upang manatiling walang panalo sa Group A ng East Asia Super League.

Umaasa ang SMB na makakabawi sa Hong Kong lalo’t magpaparada sila ng bagong import na si Jabari Narcis kapalit ni Torren Jones matapos ang injury nito sa EASL.

Si Narcis na ang magi­ging ikatlong import ng SMB sa PBA matapos ang original reinforcement na si Troy Baxter na nagkaroon ng problema sa papeles kaya ang isa pang EASL import na si Quincy Miller muna ang naglaro sa unang laban nila ngayong conference.

Sa PBA, may 2-game winning streak ang SMB sa pagbabalik ni head coach Leo Austria kapalit ang da­ting head coach na si Jorge Gallent na nagsisilbi ng team consultant ngayon.

Nagsimula sa 1-2 kartada ang Beermen bago kaldagin ang Terrafirma, 106-88, at Blackwater, 115-102, para umangat ika-7 puwesto.

Sa kabilang banda, may 5-2 kartada sa ika-5 ranggo ang Hong Kong matapos ang 120-113 kabiguan sa No. 1 na NorthPort kamakalawa.

Makakatapat ni Narcis si Chris McLaughlin ng Hong Kong na siyang pina­kabagong guest team sa PBA matapos ang Bay Area Dragons na pumangalawa sa Barangay Ginebra noong nakaraang taon.

Samantala, ikaapat na sunod na panalo ang tangka ng Rain or Shine (3-1) kontra sa winless na Terrafirma (0-6) upang masolo ang segunda puwesto sa likod ng Batang Pier.

Ka-tabla ngayon ng Elasto Painters ang Meralco at Ginebra hawak ang pare-parehong 3-1 kartada.

Show comments