Embiid bumandera sa panalo ng 76ers

PHILADELPHIA - Bumanat ang nagbabalik na si Joel Embiid ng 34 points para tulungan ang 76ers sa 108-98 pagpapabagsak sa bisitang Charlotte Hornets.

Nakasuot ng isang protective “ Phantom of the Opera ” mask, binigyan si Embiid ng isang standing ovation ng kanilang mga fans.

Nagdagdag si Embiid ng 5 rebounds, 9 assists, 2 steals at 2 blocked shots  habang nag-ambag sina Tyrese Maxey at Kelly Oubre Jr. ng 23 at 22 mar­kers, ayon sa pagkakasunod.

Ito pa lamang ang pang-pitong laro ni Embiid ngayong season dahil sa kanyang knee injury.

Umiskor si Embiid ng 22 points sa unang tatlong yugto para pamunuan ang ikatlong panalo ng Philadelphia (9-16) sa huling apat na laro.

Pinangunahan ni Vasilije Micic ang Charlotte (7-21) sa kanyang 20 points.

Sa Cleveland, umiskor si Donovan Mitchell ng 27 points at may 16 markers si Darius Garland para gabayan ang Cavaliers (24-4) sa 124-101 paggupo sa Milwaukee Bucks (14-12).

May 3-0 record ngayon ang Cavaliers sa kanilang duwelo ng Bucks na hindi nakuha ang serbisyo ni All-Star guard Damian Lillard dahil sa isang strained calf.

Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Milwaukee, nagkampeon sa nakaraang NBA Cup laban sa Oklahoma City Thunder, sa kanyang 33 points at 14 rebounds.

Sa Miami, nagpasabog si Jalen Williams ng season-high 33 points habang may 25 markers si Shai Gilgeous-Alexander sa 104-97 pagpapalamig ng Thunder (22-5) sa Heat (13-12).

Binanderahan ni Tyler Herro ang Miami sa kanyang itinalang 28 points at 12 rebounds.

Show comments