Habang nasa break ang PVL, sinamantala ni Capital1 Solar Spikers co-team owner Milka Romero ang pagkakataon na mabisita ang ilang key cities dala ang kanyang advocacy na isulong ang sports.
Kasama ang kanyang volleyball team, naghatid sila ng clinic, at malaking sahog ang pagbabahagi ng values na matutunan sa sports.
“Our biggest advocacy is sports. We have grassroots programs where we want to support children in their journey na maging isang atleta,” ani Milka, isinusulong ang naging kampanya ng kanyang ama na si 1Pacman party list Rep. Mikee Romero.
Kasangga nila si boxing idol Manny Pacquiao sa pagsuporta sa mga national athletes at sports development in general.
Tumutulong din para sa parehong mithiin ng 1Pacman party list ang mga premyadong atleta gaya nina Jayson Castro, RR Pogoy at Aby Marano.
Mahaba ang pahinga ng PVL All-Filipino Conference na muli lang aarangkada sa third week ng January, 2025.
Nasa itaas ng team standings ang Petro Gazz Angels (5-1), Cignal HD Spikers (4-1), Creamline Cool Smashers (4-0) at Cherry Tiggo Crossovers (4-2) pagkatapos ng huling playdate sa 2024 noong Dec. 14.
Ang tanong eh, kung sino ang gagawa ng mabuting assignments sa long conference break.
Meron bang mangangampante at matutulog sa pancitan?
Ang mga cellar-dwellers ay siguradong kayod marino kahit holiday breather. Target nila na maituwid ang pipilay-pilay na kampanya sa resumption ng conference.