Kai ayaw paawat sa Japan B.League

MANILA, Philippines — Hindi maawat si Kai Sotto matapos muling magtala ng impresibong laro kasama ang Ko­shigaya Alphas sa Japan B.League.

Umiskor na naman ang Pinoy cager ng panibagong double-double output para pamunuan ang Koshigaya Alphas na pataubin ang Kawasaki Brave Thunders, 100-74, sa 2024-25 Japan B.League na gina­nap sa Koshigaya City Gymnasium.

Nagrehistro ang 7-foot-3 dating Ateneo de Manila University standout ng 25 puntos at personal best na 18 rebounds upang banderahan ang opensa ng Alphas.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Alphas matapos igupo ang Brave Thunders, 101-77, noong Sabado.

Sa kabuuan, may anim na panalo na ang Alphas para umangat sa 6-12 rekord.

Magandang resbak ito para kay Sotto na nalimitahan sa anim na puntos at anim na rebounds sa unang laro nito kontra sa Brave Thunders.

Galing si Sotto sa matikas na ratsada sa second window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers na parehong ginanap sa Mall of  Asia Arena sa Pasay City.

Maganda ang laro ni Sotto sa qualifiers kung saan isa ito sa naasahan ng Gilas Pilipinas sa panalo nito kontra sa New Zealand at Hong Kong.

Dahil sa ganda ng laro ni Sotto, naniniwala si Gilas coach Tim Cone na kaya na nitong makipagsabayan sa matitikas na pla­yers sa NBA. 

Show comments