Fernandez 4 ginto ang pinalubog sa BIMP-EAGA

MANILA, Philippines — Inilabas ni Pinay tanker Quendy Fernandez ang bagsik nito matapos bumanat ng apat na gintong medalya sa 11th BIMP-EAGA Friendship Games na ginaganap sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Puerto Princesa City, Palawan.

Nagpasiklab ang University of the Philippines student para matamis na angkinin ang korona sa women’s 100m backstroke sa pamamagitan ng isang minuto at 7.21 segundo.

Tinalo ni Fernandez si Lora Micah Amo­guis na nagkasya sa pilak na medalya tangan ang 1:10.53 gayundin si Jann Maureen Doton na naorasan ng 1:18.42 para sa tansong medalya.

“It’s a fun experience kasi dito po ako nagco-compete kung saan ako lumaki, and dito rin po ako natuto lumangoy from kinder palang dito nako nagsi-swim, lalo na nandito pa ako sa international competition,” ani Fernandez.

Nauna nang nakaginto si Fernandez sa 4x50 girls’ 200m medley at freestyle relays at sa 50m backstroke.  May pilak din ito sa 4x100 400m freestyle.

“Sobrang malaking boost po sa akin na makita ko po yung mga familiar faces. It just really brings so much joy and energy. Hopefully, madagdagan ko pa po yung mga medals ko,” dagdag ni Fernandez.¢

Napasakamay naman ni Philip Sahagun ang ikatlong gintong medalya sa men’s 100m backstroke matapos magrehistro ng 1:00.82.

Sasabak pa si Sahagun sa 200m backstroke at 4x100 medley relay.

Sa archery, nagkasya lamang sa pilak na medalya sina Utada Lorica at Craig Gimongala sa mixed compound division na pinagharian nina Indonesian pair Regina Tania at Rasya Muhammad, 153-139. 

Show comments