SACRAMENTO, Calif. — Nagkadena si Victor Wembanyama ng 34 points, 13 rebounds at 11 assists para sa kanyang unang triple-double sa season at ginabayan ang San Antonio Spurs sa 127-125 paglusot sa Kings.
Kumonekta din ang 7-foot-2 na si Wembanyama ng limang three-point shots.
Nagdagdag si Devin Vassell ng 21 points mula sa bench para sa pang-limang panalo ng San Antonio (11-9) sa huling anim na laro.
May 13 markers si veteran guard Chris Paul.
Nagsalpak si DeMar DeRozan ng 28 points para sa Sacramento (9-12) na nagtala ng 17-point lead sa first quarter at angat sa 65-58 sa halftime.
Bumanat ang Spurs ng isang 19-7 atake para agawin ang bentahe sa third quarter bago kunin ng Kings ang 97-92 kalamangan papasok sa fourth period.
Ipinasok ni Paul ang kanyang 3-pointer sa huling 20 segundo ng laro kasunod ang free throw ni Keldon Johnson para sa three-point lead ng San Antonio sa nalalabing siyam na segundo.
Ang triple ni Domantas Sabonis ang huling puntos ng Sacramento.
Sa Portland, kumamada si Luka Doncic ng 36 points sa 137-131 panalo ng Dallas Mavericks (13-8) sa Trail Blazers (8-13).
Sa Salt Lake City, humakot si Anthony Davis ng 33 points at 11 rebounds at tumipa si LeBron James ng 27 points at 14 assists sa 105-104 pagtakas ng Lakers (12-8) sa Utah Jazz (4-16).