MANILA, Philippines — Makikilatis na ang mga bagong Beermen na sina Juami Tiongson at Andreas Cahilig sa pakikipagtuos ng San Miguel sa Phoenix sa pagpapatuloy ng 2024 Commissioner’s Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Mabibinyagan ang dalawang dating pambato ng Terrafirma sa unang sabak ngayong conference ng SMB kontra sa Phoenix ngayong alas-7:30 ng gabi.
Iyan ay pagkatapos ng duwelo sa pagitan ng Terrafirma (0-2) at NLEX (1-1) sa alas-5 ng hapon.
Kagagaling lang ng SMB sa masakalp na semifinal exit sa Governors’ Cup laban sa sister team na Barangay Ginebra at para sa pag-asang makabawi agad ay binalasa nito ang kanilang koponan.
Pinakawalan ng Beermen sina Terrence Romeo at Vic Manuel papunta sa Dyip kapalit nina Tiongson at Cahilig isang araw lang bago ang pag-arangkada ng Commissioner’s Cup noong nakaraang linggo.
Umaasa si coach Jorge Gallent na malaki ang maitutulong ng dalawa lalo’t sila ang bumandera sa kampanya ng Terrafirma sa kanilang unang playoff appearance matapos ang walong taon noong Philippine Cup kontra sa SMB.
Makakatambal ng dalawa sina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Jericho Cruz, Don Trollano at Marcio Lassiter kasama si import Quincy Miller.
Isa si Miller sa import ng Beermen sa kasabay na East Asia Super League kaya siya na rin ang piniling maging reinforcement sa PBA para sa kanyang ikatlong koponan matapos unang maglaro sa Converge at sa TNT.
Haharang sa tangka ng SMB na magarbong panimula ang gutom na Fuel Masters matapos madapa sa guest team Hong Kong Eastern, 87-102, at Meralco, 109-111.
Mamando sa koponan ni coach Jamike Jarin ang palabang import na si Donovan Smith.