MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Adamson University ang Final Four cast matapos ilipad ang 68-55 panalo kontra minalas na University of the East sa knockout playoff ng UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.
Kinapitan ng Soaring Falcons sa opensa sina Cedrick Mansano at Matthew Montebon upang isampa sa semifinals ang koponan at harapin sa semisfinals ang defending champions at top seeded De La Salle University.
Kumana si Manzano ng 14 points para sa San Marcelino-based squad upang pahabain ang losing streak ng Red Warriors sa pito.
Ipinaramdam ng Soaring Falcons ang kanilang lakas ng makalamang sila ng siyam na puntos, 39-30 sa unang dalawang period.
Nagpatuloy ang pagiging mabalasik ng Adamson sa second half lalo na sa fourth quarter na halos lupaypay na ang balikat ng Red Warriors nang magbaon ng dalawang free throws at isang drive si Matthew Montebon upang ilista ang 62-48 lead, may 2:01 minuto na lang sa payoff period.
Lalong ginanahan ang Soaring Falcons dahil amoy na nila ang tagumpay, iningatan na lang nila ang kanilang lamang, 65-51, may 1:31 minuto na lang sa orasan kaya magaan nilang nasilo ang panalo.
Magsisimula ang bakbakan ng Adamson at DLSU sa Sabado ng alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum pagkatapos ng bakbakan sa isa pang semis match sa pagitan ng No. 2 University of the Philippines at No. 3 University of Sto. Tomas sa alas-3:30 ng hapon.