MANILA, Philippines — May bagong tahanan na si Troy Rosario matapos pormal na ihayag ng Barangay Ginebra ang pagpasok nito sa kanilang tropa sa pagsisimula ng PBA Commissioner’s Cup.
Ilang linggo ring nanahimik si Rosario bago isiwalat ang pag-entra nito sa Gin Kings.
Naging free agency si Rosario nang lisanin nito ang Blackwater.
Ilang teams ang lumigaw sa dating National University standout ngunit napili nito ang Gin Kings.
Naniniwala si Rosario na mas lalalim pa ang karanasan nito lalo pa’t hawak ang Gin Kings ng beterano at multi-awarded mentor na si coach Tim Cone.
“Dreams Do Come True. Thank you Boss Alfrancis Chua. #Ginkings #BarangayGinebra #1,” ayon sa post ni Rosario.
Napaulat na tinanggihan ni Rosario ang multi-year extension deal sa Blackwater.
Hindi rin nito kinagat ang offer ng Talk ’N Text Tropang Giga.
Bahagi si Rosario ng Bossing na muntik nang makaabot sa playoffs sa Governors’ Cup kasama si import George King.
Matikas ang rekord ni Rosario sa Bossing.
Hawak nito ang averages na 13.5 points, 6.0 rebounds at 1.4 assists sa katatapos na Governors’ Cup.