MANILA, Philippines — Sigurado nang makakalaro ang isa sa twin towers ng Gilas Pilipinas na si Kai Sotto sa inaabangang ikalawang window ng 2024 FIBA World Cup Asian Qualifiers ngayong linggo.
Nakumpleto na ng 7-foot-3 sensation ang concussion protocols matapos madale ang ulo sa huling laro niya para sa mother club na Koshigaya Alphas sa Japan B. League.
Nagkaroon si Sotto ng matinding banggaan sa 80-72 panalo ng Koshigaya kontra sa Yokohama kaya isinailalim ng B. League sa protocol hanggang sa pag-uwi niya sa Pilipinas para sa FIBA break.
Bagama’t dumating na sa bansa bago palang ang idinaraos na training camp ng Gilas sa Calamba, Laguna ay hindi muna nakasali sa ensayo si Sotto at sa wakas ay na-clear na ito.
Sa kabilang banda, wala pa ring kasiguruhan sa sitwasyon ng isa pang big man na si AJ Edu na nadale na naman ng panibagong knee injury 71-68 pagkatalo ng Nagasaki Velca sa Akita Northern Happinets.
Sa kabila nito, solido pa rin ang frontline ng Gilas na pangungunahan ni Sotto kasama sina 8-time PBA MVP June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, naturalized player Ange Kouame at Mason Amos.
Nakumpleto na ang Gilas pool kamakalawa matapos ang pagdating ni Carl Tamayo mula sa South Korea at isa pang naturalized player na si Justin Brownlee.
Hawak ng Gilas ang 2-0 sa Group B at walang balak magalusan kontra sa New Zealand sa Huwebes at sa Hong Kong sa Linggo sa MOA Arena.