MANILA, Philippines — Ito na ang itinuturing na pinakamahalagang laro para sa Emilio Aguinaldo College.
Target kasi ng Generals ang playoff para sa ikaapat at huling Final Four spot sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University Pirates sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
“It’s gonna be the biggest game of the season for us. Kasi it all boils down to this game if ever we want to enter the Final Four,” ani coach Jerson Cabiltes.
Haharapin ng EAC ang Lyceum ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang pagtutuos ng mga talsik nang University of Perpetual Help System DALTA at Jose Rizal University sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Magkasosyo sa fourth spot ang Generals at Pirates sa magkatulad nilang 8-8 baraha sa ilalim ng St. Benilde Blazers (13-3), Mapua Cardinals (13-3) at nagdedepensang San Beda Red Lions (10-6).
Kasunod nila ang Letran Knights (8-9), Arellano Chiefs (6-10), Altas (6-11), San Sebastian Stags (5-11) at Heavy Bombers (4-12).
Napasakamay na ng St. Benilde at Mapua ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four kung saan pasok na din ang San Beda.
May tsansa pa sa playoff para sa No. 4 berth ang EAC, Lyceum at Letran.
Lalakas ang pag-asa ng Pirates sa muling paglalaro ni forward JM Bravo na nawalan ng malay nang mabangga ni Renzo Abiera ng Chiefs sa kanilang laro noong Oktubre 19.