MANILA, Philippines — Muling nagparamdam ng lakas si Karl Eldrew Yulo na nagbulsa pa ng tatlong gintong medalya sa pagtatapos ng 3rd JRC Artistic Gymnastics Championships sa Bangkok, Thailand.
Sa final day ay pinagharian ni Yulo ang Men’s Artistic Gymnastics (MAG) Junior floor exercise, still rings at vault.
Bukod sa ginto, nakasungkit pa ang 16-anyos na Pinoy gymnast, nakababatang kapatid ni Paris Olympics double-gold medalist Carlos Edriel, ng pilak sa parallel bars.
Sa kabuuan ay may apat na ginto at dalawang pilak si Yulo para malampasan ang kaniyang performance sa naturang torneo noong 2023.
Nakasikwat si Yulo ng ginto sa men’s all-around event, habang bahagi ito ng men’s team na nakapilak sa opening day.
May limang ginto naman si Jacob Alvarez sa individual all-around, vault, floor exercise, horizontal bars at still rings sa MAG pre-junior division.