Jasmine Mojdeh kakasa sa WC Finals

MANILA, Philippines — Muling inilabas ni Micaela Jasmine Mojdeh ang ‘beast mode’ nito matapos makasiguro ng tiket sa finals ng women’s 200m butterfly event sa prestihiyosong 2024 World Aqua­tics Swimming World Cup third leg na ginaganap sa Singapore.

Naitarak ng Philippine national junior record hol­der na si Mojdeh ang bilis na dalawang minuto at 16.58 segundo para makuha ang spot sa eight-swimmer finale.

Pumangatlo ito sa Heat 1 sa likod nina Laura Lahtinen ng Finland na may 2:07.73 at Femke Spiering ng Netherlands na naglista ng 2:12.54.

“I felt heavy in South Korea but I feel better now in Singapore. Maganda ang warmup ko before the event. Hopefully mas ma­ging maganda ang time ko sa finals,” ani Mojdeh.

Ito ang ikalawang pagsabak ni Mojdeh sa World Cup matapos ang partisipasyon nito sa second leg noong nakaraang linggo sa Incheon, South Korea.

Makakasama ni Mojdeh sa finals si Southeast Asian Games champion Xiandi Chua na nagkwa­lipika rin matapos pumanlima sa Heat 2.

Naisumite ni Chua ang bilis na 2:14.11 para makuha ang puwesto sa finals.

Nanguna sa Heat 2 si Bella Grant ng Australia tangan ang 2:05.13 habang pumangalawa ang kababayan nitong si Brittany Castellyzzo na may 2:06.01.

Ikatlo si Nichole Toh ng Singapore (2:08.46) habang ikaapat naman si Applejean Gwinn ng Chinese-Taipei (2:13.00).

Si Mojdeh ang pinakabatang swimmer na nakapasok sa finals ngunit handa itong makipagsabayan sa mga world-class tankers na makakasagupa nito.

Show comments