Red Lions matatag sa Final Four
MANILA, Philippines — Todo-kapit ang nagdedepensang San Beda University sa third place matapos talunin ang Jose Rizal University, 83-70, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumolekta si James Payosing ng 18 points, 6 rebounds at 3 assists para sa 9-5 kartada ng Red Lions at patibayin ang tsansa sa Final Four.
“I always tell James just do what he needs to do, nothing spectacular. If he needs to defend and rebound, keep doing that,” ani coach Yuri Escueta kay Payosing.
Minalas ang Heavy Bombers na makuha ang ikalawang sunod na panalo at bumagsak sa 4-10 katabla ang San Sebastian Stags sa ilalim ng team standings.
Kaagad nakalayo ang San Beda nang isara ang first half tangay ang 15-point lead, 46-31, patungo sa 69-53 pagbaon sa Jose Rizal sa pagtatapos ng third period.
Ang three-point shot ni Eman Tagle ang nagbigay sa Red Lions ng 79-61 kalamangan sa Heavy Bombers sa huling 4:10 minuto ng fourth quarter.
Sa unang laro, isinalpak ni rookie Lawrence Mangubat ang game-winning three-point shot sa huling 3.9 segundo para itakas ang Mapua University laban sa Lyceum of the Philippines University, 69-68.
Nilipad ng Cardinals ang isang playoff ticket sa Final Four mula sa bitbit na 11-3 kartada tampok ang five-game winning streak.
Tumapos si Mangubat na may 16 points.
- Latest