Knights binomba ng Heavy Bombers

MANILA, Philippines — Tinapos ng Jose Rizal University ang kanilang kamalasan matapos lusutan ang Colegio de San Juan de Letran, 90-86, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nagpaputok si Mart Barrera ng career-high 22 points para tulungan ang Heavy Bombers na wakasan ang four-game losing skid at buhayin ang pag-asa sa Final Four spot.

Bigo ang Knights na maitala ang back-to-back wins.

Hawak ng St. Benilde ang liderato sa bitbit na 10-2 karta kasunod ang Mapua (10-3), nagdedepensang San Beda (8-5), Letran (7-7), Emilio Aguinaldo College (6-6), Lyceum (6-7), Perpetual (6-8), Arellano (5-8), Jose Rizal (4-9) at San Sebastian (3-10).

May walong puntos lamang ang tubong Tanjay City, Negros Oriental na si Barrera sa first half bago humataw sa second half para banderahan ang Heavy Bombers.

Sa unang laro, tina­kasan ng University of Perpetual Help System DALTA ang Lyceum of the Philippines University via overtime, 89-83.

Kumolekta si JP Boral ng 18 points, 6 rebounds at 3 assists sa pagpigil ng Altas sa kanilang two-game losing skid para palakasin ang pag-asa sa Final Four.

Nagdagdag si Christian Pagaran ng 16 markers.

Laglag ang Pirates sa ikalawang sunod na kamalasan.

Show comments