MANILA, Philippines — Matapos ang isang taon ay magbabalik si veteran spiker Rachel Anne Daquis sa Premier Volleyball League (PVL).
Ngunit hindi na para sa Cignal HD kundi sa Farm Fresh sa darating na 2024-2025 PVL All-Filipino Conference na hahataw sa Nobyembre 9.
“It’s been said a couple of times before: Farm Fresh needs a veteran outside hitter who can lead the team to greater heights. And that’s exactly what we got,” pahayag ng Foxies sa kanilang social media post.
Huling naglaro ang 36-anyos na si Daquis sa HD Spikers sa 2023 PVL Invitational Conference bago nagtungo sa United States para dumalo sa isang coaches’ camp.
Bumiyahe siya sa Spain kung saan niya itinayo ang sariling ‘Forn de Manila’ bakery sa Barcelona.
Sa kanyang paglalaro sa Farm Fresh ay muling makakasama ng dating Far Eastern University star player si veteran libero Jheck Dionela bukod kina Trisha Tubu at Caitlin Viray.
Nauna nang nakuha ng Foxies si 6-foot-3 Fil-American setter Alohi Robins-Hardy na dati ring naglaro para sa Cignal sa nabuwag na Philippine Superliga (PSL).