Cone, Reyes isasantabi ang pagkakaibigan

Sina coaches Chot Reyes ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at Tim Cone ng Ginebra kasama ang kanilang mga players at sina PBA Commissio ner Willie Marcial, PBA chairman Ricky Vargas at vice chairman Alfrancis Chua sa PBA Finals press conference kahapon.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Magkasangga noon, magkabangga ngayon.

Matapos magsanib-pu­wersa para sa Gilas Pi­li­pinas noong 2023 FIBA World Cup, maghahalo ang balat sa tinalupan ngayon para kina Barangay Ginebra head coach Tim Cone at TNT Tropang Giga mentor Chot Reyes sa 2024 PBA Governors’ Cup Finals.

Nagsilbi si Cone bilang assistant coach ng da­ting Gilas head coach na si Reyes sa World Cup at sa Southeast Asian Games bago palitan ni Cone sa Asian Games bi­lang national team chief tactician at hanggang sa kasalukuyan.

Kay Cone din nagsi­mula ang karera ni Reyes noong 1990s nang ma­ging assistant coach niya sa Alaska bago gumawa ng sariling marka bilang head coach tungo sa siyam na kampeonato.

Ngayon, walang per­sonalan sa dalawang mag­kaibigan na pawang kam­peonato ang hangad para sa kanilang mga ko­ponan, ayon kay Cone na winningest coach sa PBA history hawak ang 25 titulo.

“We are really just hap­py that we are back in and going to pit against my good friend coach Chot again,” wika ng 66-anyos na si Cone sa 61-anyos na si Reyes, isa sa kanyang matalik na ka­ibigan sa PBA coaching fraternity.

“There’s always been that rivalry between Ginebra and TNT. Looking for­ward to mixing it up with my buddy.”

Ito na ang magiging ika-pitong paghaharap ng dalawang batikang coa­ches sa PBA at una si­­mula noong 2012 Commissioner’s Cup tampok ang panalo ni Cone at ng B-meg Llamados (Magnolia ngayon) kontra kay Reyes at sa TNT.

Tabla sila sa head-to-head matches, 3-3, dahil ba­gama’t nanalo ang TNT noong 2023 PBA Governors’ Cup upang patalsi­kin sa trono ang Ginebra at si team manager Jojo Lastimosa ang nagmando sa koponan habang nasa Gilas si Reyes.

Mababasag nina Cone at Reyes ang kanilang tabla sa seryeng magsi­simula sa Linggo sa Ynares Center sa Antipolo matapos ang paghaharap kahapon sa pre-finals press confe­rence sa Enderun Colle­ges.

Show comments