DASMARINAS, CAVITE — Sumandal ang Barangay Ginebra kina import Justin Brownlee at Stephen Holt sa dulo ng final canto para resbakan ang San Miguel, 99-94, sa Game Three ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series kahapon dito sa Dasmariñas City Arena sa Cavite.
Bumangon ang Gin Kings mula sa kabiguan sa Game Two para agawin ang 2-1 lead sa kanilang best-of-seven showdown ng Beermen.
Wagi ang Ginebra sa Game One, 122-105, habang nakatabla ang San Miguel sa Game Two via overtime, 131-125.
Humakot si Brownlee ng 30 points, 9 rebounds, 5 assists at 5 blocks para muling banderahan ang Gin Kings, habang nag-ambag si Holt ng 11 markers.
May 22 points si Japeth Aguilar, ang 14 ay iniskor niya sa first half, kasunod ang 15 markers ni Maverick Ahanmisi.
“We defended so much better tonight. We played playoff defense tonight, and I thought that was really the key. And we extended it all the way,” ani coach Tim Cone.
“Then we had some uncertain moments in the third quarter when we came out at halftime, but thanks to this guy here we recovered. And thanks to this guy again down the stretch we were able to win it, and thanks to this guy and thanks to this guy,” dagdag ng two-time PBA Grand Slam champion mentor.
Matapos maiwanan sa halftime, 45-54, ay naghulog ang Beermen ng 22-6 bomba sa pamumuno nina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, import EJ Anosike at CJ Perez para agawin ang 67-60 bentahe sa 5:10 ng third period.
Bumalikwas ang Ginebra sa pangunguna nina Brownlee, Holt at Ahanmisi para kunin ang 91-85 kalamangan sa 3:50 minuto ng fourth quarter.
Ang basket ng 36-anyos na si Brownlee ang tuluyan nang naglayo sa kanila sa 97-90 para selyuhan ang panalo.