Lady Red Spikers sinibak ang Lady Generals sa SSL

MANILA, Philippines — Nirehistro ng San Beda University ang unang pa­nalo matapos pagulungin sa tatlong sets ang Emilio Aguinaldo College, 25-18, 25-23, 25-22 sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila kahapon.

Nahirang na Most Valuable Player of the match si team captain R­eyann Cañete matapos ilista ang walong puntos mula sa pitong attacks at isang service ace.

Tangan ng Lady Red Spikers ang 1-2 karta at nasa pang-apat sila sa team standings sa Pool A, may tsansa pa silang sumampa sa susunod na phase kailangan lang nilang manalo sa defending champion National University Lady Bulldogs ngayon.

Nagtala naman si Elizza Anne Alimen ng 12 points para sa Lady Generals na bokya pa rin sa panalo sa tatlong salang.

Wala ng pag-asa ang EAC na umusad sa susunod na group stage dahil top two teams lang sa bawat pools ang hahakbang sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water.

Sa unang laro, pinala­kas ng Ateneo ang ka­ni­lang pag-asa sa susunod na round matapos pabagsakin ang Arellano University, 25-17, 25-18, 25-18.

Show comments