St. Benilde gustong masolo muli ang liderato sa 2nd round

MANILA, Philippines — Tatlong laro ang magbubukas sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament sa MOA Arena sa Pa­say City.

Sasagupain ng College of St. Benilde ang Jo­se Rizal University nga­yong alas-11 ng umaga ka­sunod ang bakbakan ng nagdedepensang San Beda University at Ma­pua University sa alas-2:30 ng hapon.

Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay magtutuos ang San Sebastian College-Recoletos at Emilio Aguinaldo College.

Magkasosyo sa lide­rato ang Cardinals at Bla­zers sa magkatulad nilang 6-2 record kasunod ang Knights (6-3), Red Lions (5-3), Perpetual Altas (4-5), Lyceum Pirates (4-5), Heavy Bombers (3-5), Generas (3-5), Arellano Chiefs (3-6) at Stags (2-6).

Pilit na babangon ang St. Benilde sa nalasap na 71-73 kabiguan sa Arella­no para muling masolo ang pangunguna.

Umiskor naman ang Jo­­se Rizal ng 74-63 pana­lo sa EAC para buhayin ang tsansa sa Final Four.

“In the past losses, ta­­lagang we were compe­titive in three quarters but there’s always a quarter na talagang sobrang la­ki ng diperensya na di na kami nakakabalik. We cannot put ourselves in that deep hole,” ani Hea­vy Bombers’ coach Louie Gonzales.

Sa ikalawang laro, ididiretso ng Mapua ang ratsada sa apat sa pagharap sa San Beda.

Nasa three-game winning streak ang Cardinals, habang kumuha ng dalawang sunod na panalo ang Red Lions.

Tinalo ng San Beda ang Mapua sa NCAA Season 99 Finals.

“Una, rest muna tapos pagbalik ng ensayo si­yem­pre may gigil pa rin, may hunger pa rin kasi hindi pa rin nawawala ‘yung sakit na ibinigay ni­la sa amin last year,” ani Cardinals star guard Clint Escamis sa Red Lions.

Nagmula ang Mapua sa 77-71 paggupo sa Arellano at tumipa ang San Be­­­da ng 63-62 panalo sa Per­petual sa kanilang mga huling laro sa pagtatapos ng first round.

 

Show comments