MANILA, Philippines — Nirehistro ni University of Sto. Tomas ang unang panalo sa Pool B matapos pabagsakin ang Lyceum of the Philippines, 25-16, 28-30, 25-17, 25-14 sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-season Championship na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila kahapon.
Kinapitan ng Golden Tigresses si Regina Jurado upang tulungan ang España-based squad na ilista ang 1-0 karta at ipalasap sa Lady Pirates ang pangalawang talo sa tatlong laro.
Tumikada si Jurado ng 18 points mula sa 14 attacks at dalawang blocks kaya naman nahirang siyang Most Valuable Player, (MVP) of the game.
Naka-rekober ang Golden Tigresses mula sa pagkatisod sa second set upang hatawin ang dalawang natitirang frames.
Kumana sina Jonna Perdido at Angge Poyos ng 13 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod para sa UST na susunod na makakaharap ang Mapua University Lady Cardinals ngayong ala-1 ng hapon.
Nagtala naman si Johna Dolorito ng walong puntos habang pito ang inambag ni Joann De Guzman para sa Lady Pirates.
Tanging ang UST at University of the East ang wala pang bahid ang mantsa sa Pool B.
May 3-0 karta ang Lady Warriors matapos nilang kalusin ang Mapua University, 25-14, 25-20, 25-20 sa unang laro.