UP pinadapa ang UST

MANILA, Philippines — Patuloy na walang mantsa ang karta ng University of the Philippines matapos nilang katayin ang University of Sto. Tomas, 80-71 sa Season 87 ng UAAP men’s basketball na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.

Kulang sa armas ang Fighting Maroons dahil hindi nakapaglaro ang tirador nilang si JD Dimaculangan pero naging matatag sila upang ilista ang 6-0 karta at manatiling naka puwesto sa tuktok ng liderato.

Isang panalo na lang at wawalisin nila ang first round eliminations, makakalaban nila ang defending champions De La Salle University Green Archers sa Linggo.

Natapyasan ang lamang ng Fighting Maroons sa tatlo, 68-65 sa fourth quarter, pero nagsanib puwersa sina Janjan Felicilda, Francis Lopez at Harold Alarcon upang umiskor ng 11 sunod na puntos upang hawakan nila ang 79-65 bentahe may 3:22 na lang sa orasan.

Umiskor ang UST ng dalawang puntos sa 2:37 mark mula sa dalawang free throws ni Nic Cabañero, 67-79 pero hindi na ito pinadikit ng Fighting Maroons para makuha ang matamis na panalo.

Nanguna sa opensa para sa UP si Alarcon na nagtala ng 16 points habang 15 ang inambag ni Lopez.

 

 

Show comments