2nd spot sosolohin ng Letran

MANILA, Philippines — Itutuloy ng Letran College sa apat ang kanilang ratsada sa pagsagupa sa nagdedepensang San Beda University sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Magtutuos ang Knights at Red Lions ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang salpukan ng St. Benilde Blazers at San Sebastian Stags sa alas-11 ng umaga.

Solo ng St. Benilde ang liderato sa 5-1 baraha sa itaas ng Letran (5-2), Mapua (5-2), Perpetual (4-3), San Beda (3-3), Lyceum (3-4), Emilio Aguinaldo College (3-4), Jose Rizal (2-5), San Sebastian (2-5), Arellano (2-5).

Nagmula ang Knights sa dramatikong 82-73 triple overtime win sa Altas para palakasin ang tsansa sa Final Four.

“Actually wala pa eh. Kumbaga, maganda lang tingnan pero malayo pa. We still have second round. Right now, we’re 5-2 so wala pa ‘yun eh,” ani coach Allen Ricardo. “Useless lang ‘yung mga pinapanalo natin kung hindi tayo aabot sa Final Four.”

Nagmula naman ang Red Lions sa 70-72 kabiguan sa Chiefs.

Sa unang laro, target ng Blazers ang back-to-back wins sa pagharap sa Stags na lugmok sa five-game losing slump.

Giniba ng St. Benilde ang Lyceum, 103-78, na tumapos sa three-game winning streak ng Pirates, habang bagsak ang San Sebastian sa Mapua, 72-91, sa huli nilang laro.

Show comments