UST sasagupa sa NU

MANILA, Philippines — Sisikapin agad na bumangon mula sa pagkaka­dapa ang University of Santo Tomas pagharap sa National University sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.

Magsisimula ang laban ng UST at NU sa alas-4:30 ng hapon kasunod ang bakbakan sa pagitan ng Ateneo at Adamson University sa alas-6:30 ng gabi.

Tangan ng Growling Tigers ang 2-1 record, habang bitbit ng Bulldogs ang 1-2 baraha.

Nakalsuhan ang two-game winning streak ng UST nang matalo sila sa Adamson, 56-69, noong Linggo kaya gusto nilang makabalik sa winning form.

Ayon kay Growling Tigers forward Nic Cabanero, wake-up call ang kanilang pagkatalo kaya dapat ma-improve pa nila ang kanilang mga plays.

“As the coaches told us, we need to respect every team in the UAAP. So, I think it is a wake-up call for us to improve what we need to improve,” sabi ni Cabanero. “Whatever we were lacking in our team, we have to be ready. And, I think the Adamson team did a great job to win.”

Inaasahang si Cabañero ang mananatiling pangunahing armas ng Growling Tigers at kakapitan din nila sa opensa sina Christian Manaytay at foreign student athlete Mo Tounkara.

Tumikada si Cabañero ng 16 points sa pagkatalo nila sa Soaring Falcons at may siyam at pitong marka sina Manaytay at Tounkara, ayon sa pagkakasunod.

Para sa NU, ibabangga naman nila sina Jake Fi­gueroa at Jolo Manansala para makabawi rin sa huli nilang pagkatalo laban sa University of the Philippines Fighting Maroons, 62-89.

Show comments