Cam From Behind puntirya ika-3 korona sa Sampaguita Stakes Race

MANILA, Philippines — Pakay ng Cam From Behind na depensahan ang kanyang korona pagsalang nito sa 2024 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race”na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Setyembre 29 (Linggo).

Gagabayan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez, makakatagisan ng bilis ng Cam From Behind ang walong tigasing kabayo na nagsaad ng pagsali sa karerang may distansyang 2,000 meter race.

May nakalaan na P1M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang nominado ay ang Secretary, Enigma Uno, Earli Boa­ting, Eutychus, I Under Oath, Palauig, Sophisticated at Winner Parade.

Plano ng connections ni Cam From Behind na masungkit ang tatlong sunod na korona sa nasabing stakes race kaya tiyak na markado ito sa araw ng karera.

“Malaki ang tsansa na masungkit ni Cam From Behind ang pangatlong korona sa sampaguita Stakes Race,” ani Red Villegas, veteran karerista.

Posibleng magpakitang gilas ang kabayong Secretary na gagabayan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate at Palauig na sasakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema.

Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa second placer ang P200,000, sa third ang P100,000 habang P50,000, P30,000 at P20,000 ang fourth hanggang sixth, ayon sa pagkakasunod.

Show comments