MANILA, Philippines — Hinirang na ang bagong hari ng tres sa kasaysayan ng PBA.
Sinikwat ni Marcio Lassiter ng San Miguel Beer ang korona mula sa dating haring si Jimmy Alapag para sa pinakamaraming naibuslong three-point shots sa 49 taong kasaysayang ng kauna-unahang professional basketball league sa Asya.
Mayroon na ngayong 1,254 na tres si Lassiter upang burahin ang 1,250 ni Alapag matapos bumira ng 6 na tres sa makasaysayan ding 131-82 panalo ng San Miguel Beer kontra sa Barangay Ginebra kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bago ang laro ay kailangan ni Lassiter ng 3 tres para ungusan ang legend na si “Mighty Mouse” at kinailangan niya lang ng halos limang minuto upang magawa ito nang ibuslo ang historic 3 sa 7:11 marka ng first quarter.
Umariba sa 4 na tres sa first quarter palang at 6 sa kabuuan tungo sa 18 puntos upang banderahan ang Beermen sa 49-puntos na tagumpay na siyang pinakamalaki nitong pa-nalo sa franchise history at ika-8 sa buong PBA.
Subalit ang kasaysayan ay nasa 37-anyos na si Lassiter na nagawa ang bagong PBA record sa loob lamang ng 537 na laro at sa 39-percent shooting simula nang pumasok sa liga bilang No. 4 overall pick ng original team na Powerade Tigers noong 2011 draft.
Ito rin ang pinaka-mabilis sa kasaysayan at pinakamagandang shoo-ting percentage kumpara kay Alapag na nagawa ito sa 36-percent clip at sa 601 na laro.
Bago si Alapag ay si “The Triggerman” Allan Caidic ang hari ng tres sa PBA sa naipon nito na 598 na laro at sa 37-percent shooting field goal percentage.
Dagdag ang korona ng tres sa umaapaw na awards ng Gilas Pilipinas veteran tampok ang 10 PBA championships, 8-All Star selections, Mythical Team at All-Defensive Team honors.