MANILA, Philippines — Nakaisa na sa wakas ang Phoenix matapos silaban ang Blackwater, 119-114, upang manatiling nasa kontensyon ng 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Semplang ang Fuel Masters sa unang pitong salang bago mawakasan ang pagkagutom kontra sa dating mainit na Bossing para sa 1-7 kartada sa Group B.
Matatandaang yumukod ang Phoenix kontra sa Blackwater, 123-111, sa first round upang idiskaril ang debut ng super import na si Brandone Francis.
Subalit lintik lang ang walang ganti nang maglista ng halos triple-double na 23 puntos, 10 rebounds at 9 assists si Francis upang akayin sa unang tagumpay ang Fuel Masters.
Nakaakbay ni Francis sina RR Garcia, Jason Perkins, Ricci Rivero at Kai Ballungay na may 20, 19, 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa koponan ni coach Jamike Jarin.
Kung natalo sana ay wala ng pag-asa sa playoffs ang Phoenix ngunit siniguro nilang makakaiwas dito nang magpakawala ng 34-18 birada sa second quarter upang makalayo sa Bossing.
Lumamang pa ng hanggang 20 puntos ang Phoenix, 80-60, at kinailangan nalang pigilan ang anomang tangka na comeback ng Blackwater tungo sa panalo.
Umariba sa 32 puntos, 10 rebounds at 6 assists si George King habang apat pang players ang humataw ng double digits bagama’t kulang pa rin para sa Blackwater na nahulog sa 3-5 kartada.
Maging ang 30 at 20 puntos nina Sedrick Barefield at James Kwekuteye pati na ang tig-10 puntos nina Tory Rosario at Richard Escoto ay napurnada para sa mga bataan ni coach Jeff Cariaso.