MANILA, Philippines — Pinasaya ni Daniel Quizon ang Pinoy chess fans matapos nitong maabot ang 2500 elo rating requirements nang kalusin si GM Igor Efimov sa Board 2 at tulungan ang Philippine men’s team na bokyain ang Monaco, 4-0 sa round four ng 45th FIDE Chess Olympiad na nilaro sa BOK Sports Hall sa Budapest, Hungary kahapon ng madaling araw.
Mula 2490 ay umangat sa 2501 ang elo rating ng 20-anyos na si Quizon na nagluklok sa kanya bilang Ika-18th na grandmaster ng Pilipinas.
Ang ibang miyembro ng men’s team na nagwagi ay sina GM Julio Catalino Sadorra sa board 1, IM Paulo Bersamina sa board 3 at IM Jan Emmanuel Garcia sa board 4 upang ilista ang six match point.
Si Eugene Torre ang Asia’s first grandmaster noong 1974 habang si Jenelle Mae Frayna ang kauna-unahang WGM ng Pilipinas noong 2017.
Samantala, nagwagi din ang Filipinas kontra El Salvador, 4-0.
Nakalikom ang men’s team ng six match point at makakalaban nila sa round 5 ang tigasing Slovenia habang ang mga Pinay woodpsuhers na kaparehong puntos ng kalalakihan ay susunod na makakatapat ang Italy.