MANILA, Philippines — Makakaharap ng Alas Pilipinas men ang Tunisia, Egypt at Iran sa 2024 FIVB Men’s Volleyball World Championships matapos ang opisyal na draw kamakalawa ng gabi sa Solaire Resort sa Parañaque City.
Nalagay ang Pinas, world No. 64, sa Pool A bilang solo host bago nakasama sa bunutan ang No. 20 Egypt, No. 24 Tunisia at No. 15 Iran.
Walang nakapangkat na European o American team ang Alas subalit solido pa rin ang grupong kinabilangan lalo’t 11-time African champion ang Tunisia, reigning champion naman ang Egypt habang Asian runner-up ang Iran.
Pinangunahan ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara na bagong halal din bilang Asian Volleyball Confederation (AVC) chief ang draw kasama si FIVB general director Fabio Azevedo.
Si Azevedo ang nag-turnover ng world championship trophy sa PNVF at Philippine local organizing committee (LOC) sa pangunguna ni co-chairmen William Vincent Araneta Marcos at Senator Alan Peter Cayetano.
Samantala, bida sa Pool B ang 3-time world champion, European champion at world No. 1 Poland kasama ang Romania, Qatar at Netherlands habang nasa Pool C ang world No. 2, Olympic at VNL champion na France kasama ang Korea, Finland at Argentina.
Sa Pool D naman ang crowd darling at world No. 3 USA kasama ang Colombia, Portugal at Cuba, Pool E ang world No. 4 Slovenia, Chile, Bulgaria at Germany habang nasa Pool F ang world No. 5 at 2022 world champion Italy kasama ang Algeria, Belgium at Ukraine.
Swak ang isa pang crowd favorite na world No. 6 Japan, Libya, Turkey at Canada sa Pool G habang nasa Pool F ang world No. 7 Brazil, China, Czech Republic at Serbia upang kumpletuhin ang 32 na koponan.
Sa Mall of Asia Arena at Smart-Araneta Coliseum gaganapin ang world championships na sa unang pagkakataon ay idaraos sa Pinas, sa Southeast Asia at tampok ang pinalaking 32-team cast na pinakamarami sa kasaysayan.