Bulldogs sinakmal ang Tamaraws
MANILA, Philippines — Sinakmal ng National University ang unang panalo matapos ang come-from-behind win kontra Far Eastern University, 62-60 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Humugot ng bangis ang Bulldogs kina Jake Figueroa at PJ Palacielo para mahablot ang mahirap na unang panalo sa dalawang salang.
Naghabol ng 13 puntos ang Bulldogs sa fourth period, 44-57, sa ibinabang 15-0 run upang maagaw ang bentahe at makipaggitgitan ng iskor hanggang sa dulo ng bakbakan.
Pagkatapos mahabol ang naipundar na lamang ay nagkaroon ulit ng tsansa ang Tamaraws na itakas ang panalo pero nagmintis si Janrey Pasaol sa krusyal na tatlong free throws may 1.1 segundo na lang sa orasan kaya masaklap ang pagkatalo ng mga tropa ni head coach Sean Chambers.
Para kay NU mentor Jeff Napa, ayaw nila na naghahabol sila sa kaagahan ng laban kahit nanalo sila.
“Siyempre yung learning namin dito, ‘di kami pwedeng mag-start slow. Yun ang sinasabi ko sa kanila, dapat yung effort nandoon, 110-percent all-out,” ani Napa.
Maganda ang ipinakitang laro ni Figueroa kaya siya ang napiling Best Player of the Game matapos magtala ng walong puntos, anim na rebounds, anim na assists at tatlong steals para sa NU na ipinalasap sa Tamaraws ang pangalawang sunod na talo.
Nirehistro naman ni Palacielo ang siyam na puntos at anim na rebounds para sa NU.
- Latest