MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa paghahanda ng Team Philippines para sa 33rd Southeast Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa susunod na taon.
Galing ang Pilipinas sa matagumpay na kampanya sa Paris Olympics kung saan nakapag-uwi ang tropa ng dalawang ginto at dalawang tanso.
“The SEA Games next year in Thailand is a concern, we’re bound to lose eight gold medals in four sports dropped by the Thais from their program,” ani POC president Abraham “Bambol” Tolentino.
Isinusulong ni Tolentino ang apela na maibalik ang ilang events na nawala sa kalendaryo at optimistiko itong papanigan ng SEA Games Federation Council ang kanilang hinaing.
“But we’re not losing hope, the appeal is there, and it will be decided in a SEAG Federation meeting next month,” ani Tolentino.
Magpupulong ang SEA Games Federation sa Oktubre 15 para malaman ang paghanda sa SEA Games Thailand na gaganapin sa Disyembre 9 hanggang 20.
Nais iapela ng POC na maibalik ang weightlifting, wushu, jiu-jitsu at karate gayundin ang ilang traditional SEAG sports.
Itinalaga rin si Tolentino bilang Olympic Council of Asia Legal Committee chairman sa meeting ng OCA sa New Delhi.
Ibinalita rin ni Tolentino na matutuloy ang Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa 2025 na iho-host na ng Saudi Arabia matapos mag-backout ang Thailand.
Pinaplano na rin ang partisipasyon ng bansa sa 20th Asian Games sa Nagoya sa 2026.