Red Lions tiklop sa Blazers sa OT

MANILA, Philippines — Solidong depensa ang ginamit ng College of St. Benilde sa overtime para talunin ang nagdedepensang San Beda University, 70-65, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Inilista ng Blazers ang 2-0 record at ipinalasap sa Red Lions ang unang kabiguan sa dalawang laro.

Nagsalpak si guard Jhomel Ancheta ng isang three-point shot at drive sa extra period habang kumonekta si Tony Inot ng isang triple para sa 67-61 abante ng St. Benilde.

“Masaya kasi defen­ding champion iyong tinalo namin,” sabi ni Ancheta na tumipa rin ng tres para sa kanilang 60-58 abante sa huling 19.7 segundo sa regulation.

Ang inside basket ni Yutien Andrada ang nag-akay sa Red Lions sa overtime, 60-60.

Tumapos si Ancheta na may 14 points para pamunuan ang Blazers, habang may 13 at 12 markers sina Ynot at Allen Liwag, ayon sa pagkakasunod.

Pinangunahan ni B­ryan Sajonia ang San Beda sa kanyang 19 points, 5 rebounds, 3 assists at 1 steal.

Sa unang laro, nagtala si big man JP Boral ng 17 points at 10 rebounds at may 15 markers si rookie Mark Gojo Cruz sa 82-66 paggupo ng University of Perpetual Help System DALTA sa Jose Rizal.

Panalo kaagad ang i­binigay ng Altas sa ba­gong coach na si Olsen Racela.

“Of course I’m happy with the win, my first win this season pero it’s part of our growth as a team,” ani Racela na nakahugot kay Christian Pagaran ng 11 points.

Pinangunahan ni Joshua Guiab ang JRU sa kanyang 15 points.

Kumawala ang Perpetual sa third period nang angkinin ang 48-41 bentahe bago kunin ang 80-60 kalamangan sa huling 1:57 minuto ng fourth quarter.

Show comments