MANILA, Philippines — Nasilayan ng mga karerista ang magandang labanan sa rektahan nang sikwatin ng Every Sweat Counts ang korona sa katatapos na 2024 Philracom “Lakambini Stakes Race” na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Humarurot sa largahan ang liyamadong Every Sweat Counts upang hawakan ang bandera sa kaagahan ng karera, habang nakasunod ang magkakamping Over Azooming na nasa pangalawa at High Dollar na nasa pangatlong puwesto.
Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay lamang ang Every Sweat Counts ng tatlong kabayo sa mga humahabol pero papalapit ng far turn ay kumapit na ang High Dollar at The Kiss.
Pagdating ng huling kurbada ay bakbakan sa unahan ang Every Sweat Counts at High Dollar na nasa bandang labas dumaan.
Mas tumindi ang labanan ng Every Sweat Counts at High Dollar sa rektahan pero sa huling 100 metro ng karera ay bahagyang umungos ang winning horse.
Tinawid ng Every Sweat Counts ang finish line na may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang High Dollar, tersero ang The Kiss, habang pumang-apat ang Beltuna.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, inirehistro ng Every Sweat Counts ang tiyempong 1:41.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse ang P300,000 premyo.
Nakopo naman ng second placer High Dollar ang P100,000, habang tig-P50,000 at P25,000 ang The Kiss at Beltuna, ayon sa pagkakasunod.
Naibulsa rin ng breeder ng nanalong kabayo ang P25,000, habang may P15,000 ang second at P10,000 ang third placers.