MANILA, Philippines — Handang-handa na si wheelchair thrower Cendy Asusano na makipagsabayan sa matitikas na throwers sa mundo sa kanyang debut sa Paralympic Games.
Hahataw si Asusano sa women’s javelin throw F54 event ngayong araw sa La Stade de France sa Paris, France kung saan makakalaban nito ang matitikas na throwers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Siyempre malaking karangalan na mapili sa Paralympics kaya ibibigay ko po yung aking 100 percent sa labang ito,” ani Asusano.
Magsisimula ang laban sa alas-10:04 ng umaga (alas-4:04 ng hapon sa Maynila).
Aminado si Asusano na kabado ito.
Subalit handa itong makipagsabayan para maipakita ang tikas ng isang Pinoy athlete.
“May konti din pong kaba kaya gusto ko maging kundisyon kaya pagdating ng laban ay maging maganda ang kinalabasan ng performance,” ani Asusano.